Simula ng ako’y mamulat sa mundo at nagkaisip, alam ko sa aking kaisipan na tuwing Linggo ay dapat na nagsisimba. Iyon din ang alam kong tradisyon ng bawa’t Kristyano. Pero sa hindi ko maipaliwanag na dahilan, hindi ko nagisnan ang ganoong kaugalian sa aking mga magulang. Ang Tatay ko ay Protestante at ang Nanay ko naman ay Katoliko, Iyon marahil ang dahilan kung bakit hindi kami nakapagsimba bilang isang buong pamilya. Lumaki ako na kadalasan kasama ko ang mga pinsan ko dahil sa ako ang panganay at malayo ang agwat ng sumunod kong kapatid. Isinasama ako ng mga tiyahin ko pumunta sa simbahan at pagkatapos ay mamamasyal din. Yan ang nakagisnan ko at sa musmos kong kaisipan, mas inantabayanan ko ang pasyalan kaysa sa pagsimba. Nakakalungkot man sabihin, lumaki akong hindi marunong magdasal at walang panininiwala sa Diyos.
Dumating ako sa buhay may asawa. Ang aking napangasawa ay isang Katoliko at siya na rin ang nagturo sa akin kung bakit ako dapat pumunta ng simbahan.. Ang aking asawa ang unti unting nag akay sa akin upang matutunan ang magsimba kapag Linggo, at kung minsan ay Miyerkules sa Baclaran o kapag Biyernes sa Quiapo naman. Siya na rin ang nagpamulat sa akin ng buong paniniwala sa Diyos at maging kaugalian ang pagsisimba.
Hanggang naituro kaming mag asawa na sumali sa Mater Dei Marriage Encounter Weekend. Kahit kami ay atubili, nanaig sa amin ang maka-attend doon. Nakabilang kami sa M.E. Class 259 at naging makahulugan ang aming samahan. Kami ay lalong nagpasalamat at napabilang na kami ngayon sa Mater Dei M.E. Community.
Sa mga sumunod na gawain naming bilang isang klase ay natutunan naming ang kahalagahan ng buhay mag asawa at magkaroon ng Diyos na gagawing sentro sa aming buhay. Dito rin namin natuklas ang magandang pakikitungo sa community at natuklasan ang masarap na pakiramdam kapag nakakatulong sa kapwa. Ang karanasan ng pag pa Klase ay napaka-“rewarding” lalo pa’t nakikita namin na ang aming ini-sponsor na mag-asawahan ay na-isasaloob din ang tunay na mensahe ng programa ng M.E.
Ang isang karanasang hindi namin malimutan ay nangyari nitong buwan ng Abril. Ang aming 259 Klase ang naatasang mag “sponsor” ng Prayer Gathering sa Violago. Ang mga tanong at paghanga ko, noong ako ay bata pa, sa mga lumalakad patungo sa altar bitbit ang iba’t ibang bagay ay siya naming naranasan. Kaming mag-asawa ang naatasang mag handog ng Crucifix at iniaabot sa Pari. Napakasarap pala ng pakiramdam! Parang inanyayahan ako ng Panginoon na lumapit sa kanya. Nuon ko naramdaman, masarap pala makipag-usap sa Diyos!
Ang pagkakataong yaon ay maituturing kong isang malaking pagbabago sa aking buhay at simula ng aking pagsasagawa na maging isang ganap na myembro ng Mater Dei M.E. Community.
Kaming mag-asawa ay lubos na nagpapasalamat kay Sister Fanny na siyang naghikayat sa amin mag-attend ng M.E. Weeekend. Kay Bro. Chok Aytona na hindi lang siyang naghatid sa amin sa SVD, Tagaytay, kundi nag sponsor din sa aming partisipasyon na katuwang naman si Bro. Ryan Venezuela. Higit sa lahat kay Shepherd Noni Baby Pascual na walang sawang umaalalay sa amin sa lahat ng pagkakataon. Ang lahat ng ito ay naging makatotohanan dahil sa kanila.
Maraming salamat sa lahat na bumubuo ng Mater Dei M.E. Community… |