Untitled Document
 
 
 
CLASS 259……Nagpapasalamat!
By Bong Dhang Galicia & Ernie Au Rustria
 

Parang kailan lang nang tanggapin kami (Class 259) ng “Mater Dei Community”! Ngayon, sampung buwan na pala kaming magkakasama at noong nakaraang Hulyo 26, 2009 ginanap ang aming panghuling Deepening (10th Deepening)! Di namin namalayan ang panahon… nakatapos na pala kami.

Kay sarap sariwain ang nakaraan. Noong kami ay nagsisimula pa lamang at nagpa-plano sa kailangang Deepening o Reunion kami ay nagbunutan kung anong buwan kami magho-host at ang aming mga bahay ay handang maging venue sa gaganaping reunion. Ang bawa’t buwan at panahon na dumaan na ginugol namin sa aming mga deepening ang nagbukas ng daan tungo sa aming magandang samahan sa Class 259.

Ang amin lang na-obserbahan ay sa tuwing kami ay magkakaroon ng Deepening, palaging may balakid o problemang sinusuong ang bawat isa sa amin lalong-lalo na sa host couple para sa naturing araw ng Deepening. Nguni’t yaon ay aming pinaglabanan at hindi nagpatalo at pumayag na maging hadlang upang di pumunta sa Deepening. Ang pinaka huling balakid ay ang pagbuhos ng malakas na ulan nuong aming 10th Deepening. Mismong ang naatasang Team Couple naming sa araw na iyon, sina Shepherd Lony Rodora Bohol ay nasiraan ng sasakyan at hindi nakarating. Sa magandang panig naman ay nakahingi sila ng tulong kina Shepherd Ding Susan Mayor upang mag-substitute sa kanila. Sa araw na iyon ay natuloy din ang aming pang huling Deepening at ang attendance ay nasa majority count pa rin.

Ang bawa’t deepening ay pinagtutu-unan namin talaga ng panahon. Hindi lamang sa marami kaming natututunan kundi dahil sa mga nagaganap na pagbabago sa aming mga buhay. Ang mga Team Couples na dumalo ay tunay naman natutumbok ang bigat na dalahing problema ng marami sa amin. Gayunpaman, maayos naming nalalampasan ang mga ito sa tulong at gabay ng Poong Maykapal. Natutunan din namin ang maging laging bukas ang aming komunikasyon sa aming kabiyak at mga anak. Naunawaan din namin ang tunay na kahulugan ng pagtulong sa kapwa sa maayos at mabuting paliwanag ni Fr. Robert Saballo. Si Fr. Robert ay Deacon pa lamang nuong aming kaklase at siya ngayon ay isa ng Pari na nagseserbsyo sa Parish of Our Lady of the Abandoned sa Hulo, Mandaluyong City. Sa Parokya ni Fr. Robert namin dinaos ang aming 9th Deepening at sina Shep Ed_Cora Depano ang aming Team Couple.

At ang bawat tahanan na aming narating, malayo man o malapit ay nagsilbing inspirasyon para lalong lumago at yumabong ang relasyon bilang magkakaklase, bilang mag – asawahan, at ang personal na relasyon ng bawa’t isa sa Panginoon.

Sa bawa’t okasyon ng aming pagsasama bilang magkakaklase ay naramdaman namin ang pagkakaisa at pagtutulungan. Maayos namin nairaos ang aming paklase noong Enero 2009. Dinalaw din namin si Fr. Robert sa kanyang parokya at nung minsan ay humingi kami ng dasal. Sabi namin, siya ang aming malakas na “Prayer Warrior!” Si Totie Len Elesis ay nagkaroon ng maayos na hanapbuhay sa tulong ng aming Shepherd. Gumanda rin ang takbo ng paghahanap buhay nila Anie Lelet Meer at natuklasan ni Richard Myrna King ang ginhawang dulot ng “Ora et Labora”. Sila Atoy Salve Pancho at Ernie Au Rustria ay pinagkalooban na ng sariling tirahan. Ang iba naman ay nabiyayaan ng tagumpay para sa kanilang anak tulad ng kinabilangan ng panganay na anak ni Bong Dhang Galicia sa Special Science Class.

Isa rin sa mga biyayang kaloob ng Panginoon sa grupo, at nagpapasalamat kami sa aming butihing Shepherd Noni Baby Pascual, na masinup na tinutuklas ang kakayahan ng bawa’t isa sa amin. Alam nilang gamitin ang “strong points” at itinuturo ang paraan ng paglabas ng aming talento katulad ng pagsusulat. Naalala naming si Richard Myrna King ang unang inatasan sumulat para sa Updates. Sa pagkanta naman, nakita namin ang kanilang tuwa ng malaman kasali sila Nestor Divine Gardose at Anie Lelet Meer sa Choir ng San Jose del Monte para sa nalalapit na Concert ng Mater Dei.

Sila Shep. rin ay naging open sa pagbibigay ng pangaral sa bawa’t isa at bukal ang pamamahagi ng opinyon para sa klase nguni’t nanatiling professional sa aming pakikihalubilo.

Ang bawat team couple/shepherd na aming nakasama ay nagsilbi ring gabay ng bawat isa. Naging bukas ang kanilang mga puso at isipan na ibahagi, ang kanilang karanasan sa buhay. Ang mga katanungan na umu-ukil-kil sa aming mga isipan ay unti –unting nabigyan ng kasagutan at kaliwanagan sa bawat paglipas ng buwan. Napakasarap ng pakiramdam na sa tuwinang umuuwi kami ay may baon bagong kaalaman sa buhay mag – asawa, at sa mabuting salita ng Panginoon. Di namin lubos maisip na natapos na pala ang aming Deepening Ganun paman hindi ito ang katapusan, bagkus ito ang magiging panibagong simula na aming tatahakin.

Tunay nga, na malaki na ang iniunlad ng relasyon ng bawat mag- asawahan sa aming klase. Nawa’y patuloy pa itong umusbong at yumabong ang pagsasamahan at maging sentro ang Panginoon sa pang araw-araw na buhay.

Mula sa aming klase (Class 259), muli kaming nagpapasalamat ng taos–puso una sa lahat sa ating Panginoon at pangalawa sa aming shepherd, Shep Noni Baby Pascual, sa walang sawang pag-gabay at pagsubaybay. Sa mga Team Couple/Shepherds na aming nakasama, Jun Adel Tambasacan, Bill Ding Zamora, Stan Bimbo Santos, Willie Rose Montales, Ljay Emma Garcia, Rudy Remy Valentin, Ed Cora Depano, at Ding Susan Mayor. Sila po ay naging instrumento ng Panginoon na humipo sa bawat isa sa amin. Lubos kaming nagpapasalamat! Nawa ay maipagpatuloy pa nila ang walang sawang pagbabahagi at pagbibigay ng gabay sa mga mag – asawahan.

 
 
 
Untitled Document
 

February 2010

2009 ▪ 2008 ▪ 2007 2006

 
 
 
Untitled Document
 
  View Complete 2010 Calendar (304KB)  
 
 
Share |
 
 
Untitled Document
  
  
 
 
  
 

Untitled Document A Sector of Marriage Encounter Foundation of the Philippines.
© Copyright 2007 Mater Dei Marriage Encounter Community. All rights reserved. | Site Design by leobohol.